Sapat ang supply ng bigas para sa buong bansa sa mga susunod na araw dahil mayroon ring sapat na buffer stock ng bigas, ayon sa National Food Authority (NFA).
Sa press briefing sa Malacañang sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson, na may 358,000-metric tons ng bigas ang gobyerno.
Katumbas ito ng 7.16-milyong sako ng bigas, na sapat sa loob ng higit siyam na araw.
Patuloy aniyang sinisikap ng pamahalaan na madagdagan ang buffer stock na ito, na sasapat hanggang labinlimang araw, alinsunod sa panuntunan ng inamyendahang Rice Tariffication Law.
Ayon kay Lacson, mangangailangan ng PhP8 billion na pondo, upang maisakatupatan ang buffer stock ng bigas na sasapat para sa 15-day period.
“Mga eight billion pa ang kailangan natin to fill up the 15-day buffer stock. Pero dahil flexible ang pricing natin, puwede nating maitaas/maibaba iyong presyo ng palay and we can buy more kung medyo mura ang palay.” —Lacson.
Samantala, kabilang aniya sa hamon sa pag-iimbak ng bigas ay ang kakulangan ng mga bodega, lalo’t 36% ng mga warehouse ng NFA ang puno pa.
“Ngayon, kung sapat ba iyong ating mga warehouses – we have an existing ongoing program for modernization of our warehouses, 136 warehouses are now under repair, 36 are under construction. Iyong sa ma repairs, we expect by the end of next month marami na diyan ang matatapos at magagamit na natin para dito sa mga karagdagang buffer stock.” —Lacson. | ulat ni Racquel Bayan