Tinututukan ngayon ng Philippine Coast Guard ang mas ligtas at payapang pagpapatupad ng Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2025.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, inatasan ang lahat ng yunit ng Coast Guard na maging handa at ipatupad ang mga operasyon kaugnay ng paglalakbay ngayong Semana Santa.
Batay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., magpapakalat ang PCG ng humigit-kumulang 17,000 tauhan upang masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero, katuwang ang Department of Transportation – Maritime Sector.
Simula Abril 13 hanggang 20, itataas sa heightened alert status ang mga distrito, istasyon, at sub-station ng PCG sa inaasahang dagsa ng mga pasahero sa mga pantalan.
Noong nakaraang taon, umabot sa 1.65 milyon ang mga naitalang port passengers, mas mataas ng 10% kumpara noong 2023.
Kasama sa mga inaasahang hamon ay ang overcrowding, overloading ng mga sasakyang pandagat, at mga banta ng krimen sa dagat gaya ng nakawan sa mga pangunahing pantalan sa Maynila, Cebu, Davao, at Zamboanga.
Magkakaroon din ng 24/7 monitoring, inspeksyon ng mga pantalan at sasakyang pandagat, at coastal patrol sa mga maritime tourist destinations.
Kasama rin sa koordinasyon ang AFP, PNP, PPA, MARINA, at mga lokal na pamahalaan para sa ligtas na paglalakbay ng publiko ngayong Semana Santa. | ulat ni Lorenz Tanjoco