Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbubukas ng East Asia and the Pacific International Public Procurement Conference na gaganapin sa Manila mula April 28 hanggang 30.
Lalahukan ito ng mga eksperto at opisyal mula sa 15 bansa upang talakayin ang mga hamon at solusyon sa pampublikong procurement.
Ayon kay Budget Secretary Mina Pangandaman, itatampok sa pulong ang tagumpay ng Pilipinas sa reporma sa procurement, lalo na sa pagpapatupad ng New Government Procurement Act na tinawag niyang “pinakamalaking anti-corruption law ng makabagong panahon.”
Tema ng kumperensya ang “Procurement for the People: Bridging Innovation, Value for Money, and Accountability,” kung saan tatalakayin ang mga isyung gaya ng sustainable spending, climate change, at participatory governance.
Mahigit 150 kalahok ang inaasahang dadalo sa makasaysayang pagtitipon na layong palakasin ang papel ng procurement sa kaunlaran ng rehiyon. | ulat ni Lorenz Tanjoco