Inihain ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang isang resolusyon na kumikilala sa buhay at mga napagtagumpayan ni National Artist for Film and Broadcast Arts Nora Aunor.
Sa ilalim ng Senate Resolution 1337, ipinapahayag rin ang pakikipagluksa ng Senado sa pagpanaw ng tinaguriang Superstar ng Philippine Cinema.
Sa resolusyon, tinukoy ni Estrada na hindi matatawaran ang kontribusyon ni Nora Aunor sa pagsusulong ng sining at kultura ng Pilipinas.
Ang mga natanggap aniya nitong mga parangal, sa lokal at internasyonal na larangan, ang nagsemento sa kanyang pangalan bilang isa sa most awarded Filipino actors ng ating kasaysayan at nagdala ng karangalan sa ating bansa.
Pinagtibay ng paggawad kay ‘Ate Guy’ ng pagkilala bilang National Artist for Film and Broadcast Arts noong 2022 ang kanyang kontribusyon sa pelikulang Pilipino.
Ayon kay Estrada, bibigyan ng kopya ng resolusyon ang naulilang pamilya ng aktres bilang isang testamento sa pagkilala ng bansa sa kanyang pambihirang pamana. | ulat ni Nimfa Asuncion