Inatasan na ng Korte Suprema ang paggamit ng electronic filing ng mga kaso ng annulment at nullity of marriage.
Sa isang resolusyon, pinalawak ng SC En Banc ang sakop ng Rule 13-A ng Rules of Civil Procedure na nag-aatas ng electronic filing at service ng pleadings, motions, at iba pang dokumento sa mga civil case sa mababang hukuman.
Paliwanag ng Korte Suprema dati, hindi kabilang ang mga kasong annulment at nullity sa nasabing patakaran, ngunit inirekomenda ng Office of the Court Administrator ang pagsama ng mga ito dahil kahalintulad din ang proseso sa mga civil case.
Epektibo na ang pagbabago matapos ang publikasyon ng resolusyon noong April 24, 2025.
Simula December 1, 2024, lahat ng paghahain at pagpapasa ng dokumento sa mga civil case sa trial courts ay dapat isagawa na sa pamamagitan ng email, maliban sa mga paunang reklamo.
Layon ng hakbang na ito na mas pabilisin ang proseso sa ilalim ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022-2027. | ulat ni Lorenz Tanjoco