Ililipat sa St. Peter’s Basilica ang mga labi ni Pope Francis sa Miyerkules (April 23) ng 9am at ilalagak hanggang sa libing sa Sabado (April 26) ng 10am.
Ayon sa Holy See Press Office pangungunahan ni Cardinal Giovanni Battista Re; Dekano ng College of Cardinals ang funeral mass kasama ang iba pang patriach, cardinal, mga arsobispo, obispo at mga pari mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Magtatapos ang Eucharistic Celebration sa pamamagitan ng “Ultima Commendatio” o last commendation at ng “Veledicto” o pamamaalam, hudyat na ito ng pagsisimula ng Novendiales o siyam na araw na ritwal ng pagluluksa at mga misa para sa kaluluwa ng Santo Papa.
Mula sa St. Peter’s Basilica ay dadalhin ang mga labi ng Santo Papa sa Basilica of St. Mary Major para sa huling hantungan.
Magkakaroon ng prusisyon na dadaan sa Santa Marte Square at sa Square of Roman Protomartyrs at lalabas sa Arch of the Bells sa St. Peter Square at papasok sa Vatican Basilica sa pamamagitan ng central door.
Sa Altar of the Confession ang Cardinal Camerengo ang mangunguna sa Liturgy of Word hanggang matapos sa pagbisita sa labi ng Santo Papa. | ulat ni DK Zarate