Inihayag ng PAGASA na hindi makikita ang “smiley” alignment ng buwan, Venus, at Saturn sa Pilipinas at iba pang bahagi ng Timog-Silangang Asya sa Abril 25, dahil sa timing at sky visibility.
Ayon sa PAGASA, sa ating rehiyon, ang waning crescent moon ay sumisikat bago ang Venus at Saturn.
Dahil dito, lumilitaw ang buwan sa itaas ng dalawang planeta sa kalangitan na lumilikha ng isang “inverted” o “sad face” pattern, sa halip na ang karaniwang smiley.
Ang perpekto umanong pagkakahanay na may hugis ng smiley ay nangyayari sa hapon (oras sa Pilipinas), kapag ang buwan, Venus, at Saturn ay bumubuo ng isang maayos na arko sa kalangitan.
Gayunpaman, sa oras na ito, ang kalangitan ay masyadong maliwanag at ang mga planeta ay hindi nakikita ng mata.
Sabi pa ng PAGASA, sa ibang bahagi ng mundo tulad ng South Asia, Europe, at America, mas gumagana ang timing.
Ang Venus at Saturn ay pumaitaas bago ang buwan at ang “smiley” alignment ay lilitaw bago sumikat ang araw, habang madilim pa rin ang kalangitan para makita ito. | ulat ni Rey Ferrer