Mariing kinontra ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pahayag ng China na inokupahan na nito ang Sandy Cay na bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, RAdm. Roy Vincent Trinidad, walang katotohanan ang mga naging pahayag ng China patungkol dito.
Sa katunayan, sinabi ni Trinidad na kasama ito sa isinagawang Inter-Agency Maritime Operation kasama ang Navy, Coast Guard, BFAR at PNP Maritime Group.
Gayunman, taliwas sa mga ibinabandera ng China, sinabi ni Trinidad na walang nakitang anumang bakas ng Tsina sa Sandy Cay at wala ring nakitang katibayan kung saan gayundin ay kung kailan kinuha ang larawang ibinabandera ng nasabing bansa.
Kaya’t malinaw ayon kay Trinidad na bahagi ito ng “malign influence” ng China upang ipangalandakan sa mundo ang kanilang naratibo na sila lamang ang naniniwala. | ulat ni Jaymark Dagala