Naka half-mast ngayon ang watawat ng Pilipinas sa punong tanggapan ng Philippine National Police (PNP) sa Kampo Crame.
Ito’y bilang pakikiisa ng PNP sa pagluluksa ng sambayanang Pilipino sa pagpanaw ni Pope Francis.
Magugunitang idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang National Days of Mourning mula kahapon, April 23.
Tatagal ng apat na araw ang panahon ng pagluluksa o hanggang sa mailibing ang yumaong Santo Papa.
Una nang sinabi ng PNP, kanilang ipinaaabot ang panalangin at pakikiramay sa Vatican gayundin sa lahat ng mananampalataya.
Inilarawan nila ang Santo Papa bilang sandigan ng kababaang loob, tapang at pagmamalasakit na nagsisilbing tinig ng mga mahihirap at mga walang boses sa lipunan.
Nabatid na nakasaad sa proklamasyon na mayroong natatanging lugar sa puso ng bawat Pilipino si Pope Francis.
Matapos ang kaniyang Apostolic Visit sa Pilipinas noong 2015 bilang pakikiisa sa mga biktima ng Bagyong Yolanda, pinapurihan niya ang katatagan ng pananampalataya ng mga Pilipino sa kabila ng mga pagsubok. | ulat ni Jaymark Dagala