📷 DPWH Bicol
Malapit nang matapos ang malaking flood control project sa Barangay Bitan-o at Pinaculan Island sa Sorsogon City na isinakatuparan sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bicol.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang imprastruktura para sa kaligtasan ng bawat Pilipino, matagumpay na ipinapatupad ng DPWH – Sorsogon 1st District Engineering Office ang proyekto gamit ang ₱134.13 milyong pondo mula sa 2024 General Appropriations Act na binubuo ng 470-linear meter seawall sa kahabaan ng Pinaculan Island at 226.9-linear meter river control system sa tabi ng Sorsogon City Coastal Road.

Layunin ng mga naturang proyekto na protektahan ang mga baybaying bahagi ng lungsod mula sa pagbaha, pagguho ng lupa, at mapaminsalang hampas ng alon.
Sa ulat ni District Engineer Priscilla Jebulan sa isang Zoom meeting kasama ang mga opisyal ng DPWH Bicol, sinabi niya na ang proyekto ay tugon sa kahilingan ng local government unit ng Sorsogon City upang mabigyan ng proteksyon ang mga lugar na palaging nalulubog sa baha tuwing tag-ulan o bagyo. Dagdag pa niya, inaasahang matatapos ang buong proyekto ngayong Mayo 2025.
Bukod sa istrukturang pangkaligtasan, tampok din sa Pinaculan Island ang isang parola (lighthouse) na nagiging atraksyon sa mga bisita at simbolo ng pag-unlad sa lugar.
Patunay lamang ang proyekto sa malinaw na determinasyon ng pamahalaan na itaguyod ang disaster-resilient communities at patuloy na paunlarin ang mga rehiyong matagal nang humaharap sa hamon ng kalikasan. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP Albay