Cagayan Valley RDRRMC, pinayuhan ang mga maglalayag sa posibleng debris mula sa gagawing rocket launch ng China ngayong gabi

Facebook
Twitter
LinkedIn

Naglabas ngayon ng panibagong babala ang Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction Management Council (CVRDRRMC) sa mga mangingisda at sa lahat ng pumapalaot sa karagatan sa hilaga at silangang Luzon sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa papakawalang rocket ng China.

Ngayong gabi, bandang alas-7:00 hanggang alas-9:00 ay magpapakawala ng Long March 7A rocket ang Tsina sa space launch site nito sa Wenchang, Hainan.

Sinasabi sa memorandum ni Chairperson Leon Rafael na bahagi ng rocket ay posibleng bumagsak sa tinukoy na mga drop zones sa mga karagatan:

• Sa 62 nautical miles (NM) sa karagatan ng Dalupiri Island, Calayan, Cagayan;
• 40 NM sa karagatan ng Burgos, Ilocos Norte;
• 80 NM ng Camiguin Norte, Calayan; at
• 68 NM sa Santa Ana, Cagayan.

Pangunahing pinayuhan ni Chair Rafael ay ang mga PDRRMO ng Cagayan at Isabela; at mga coastal municipality ng mga ito.

Pinayuhan din ni Chair Rafael ang mga ahensya ng Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources-National Mapping and Resource Information Authority (DENR-NAMRIA) na ikunsidera ang pansamantalang restrictions sa mga mangingisda at mga naglalayag dahil sa posibleng panganib na dala ng rocket launch.

Pwede aniyang mag-isyu ang mga ito ng Notice to Mariners, coastal navigational warnings o NAVAREA XI warning, depende sa nakikitang maging sitwasyon sa mga drop zone.

Ang NAVAREA system ay isang bahagi ng pandaigdigang warning service na nagpapalaganap ng maritime safety information. | ulat ni Vivian de Guzman | Radyo Pilipinas