Crime Solution Efficiency ng Eastern Police Distirct, tumaas ng mahigit 10%

Facebook
Twitter
LinkedIn

Ipinagmalaki ng Eastern Police District (EPD) na tumaas sa 10.6% ang kanilang Crime Solution Efficiency Rate o ang bilis ng kanilang paglutas sa krimen.

Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil na tiyaking maging ligtas ang bawat komunidad mula sa krimen at iba pang iligal na aktibidad gaya ng iligal na droga.

Sa ulat ni EPD Officer-In-Charge, Police Brig. Gen. Aden Lagradante, mula nang siya’y maupo noong April 13 hanggang May 12, pumalo sa 84% ang kanilang Crime Solution Efficiency Rate.

Mas mataas, aniya, ito kumpara sa naitalang 75.6% mula March 13 hanggang April 12 ng kasalukuyang taon.

Sa ilalim ng pinaigting na kampaniya kontra krimen, sinabi ni Lagradante na aabot sa 166 na indibidwal ang kanilang nasakote partikular ang mga pusakal na pinaghahanap ng batas.

Samantala, sa 153 na operasyon naman kontra iligal na droga, 223 sangkot dito ang inaresto ng EPD, habang nakakumpiska naman sila ng halos isang kilo ng shabu, marijuana, at iba pang drug paraphernalia na nagkakahalaga ng mahigit anim na milyong piso. | ulat ni Jaymark Dagala