Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng mahigit ₱1.4 bilyon para sa pagpapatupad at pagmo-monitor ng PAMANA Program o PAyapa at MAsaganang PamayaNAn, bilang suporta sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isulong ang kapayapaan at pambansang kaunlaran.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang programa na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay binubuo ng micro-level interventions na tumutugon sa mga isyu ng kaguluhan, nagpapalakas ng peace-building efforts, at nagbibigay-suporta sa reconstruction at development sa mga conflict-affected at vulnerable na lugar.
Ang PAMANA Program ng DSWD ay may dalawang bahagi: ang PAMANA Peace and Development Project, na layuning bigyang akses ang mga conflict-vulnerable at conflict-affected na komunidad sa mga pangunahing serbisyo at proyekto na sila mismo ang nagmumungkahi batay sa kanilang pangangailangan; at ang PAMANA LGU-Led Livelihood Track, na ipinapatupad kasama ang mga lokal na pamahalaan upang tumugon sa socio-economic needs ng mga benepisyaryo tungo sa sustenableng pag-unlad.
Layon ng DBM na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng mga programang ito upang mas mapabilis ang pag-angat ng mga komunidad na matagal nang naapektuhan ng sigalot at kahirapan. | ulat ni DK Zarate