Nanindigan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na ang pagkasira ng West Philippine Sea ay hindi lamang dapat concern ng mga Filipino kundi ng buong mundo .
Sa Saturday News Forum, sinabi ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera na ang pag-angkin ng China at paggawa ng mga artificial island sa West Philippine Sea ay nanatiling banta hindi lamang sa seguridad at soberenya ng bansa, kundi pati rin sa usapin ng food security sa buong mundo.
Aniya, maapektuhan ng pagkasira ng mga bahura sa WPS ang pagdami ng isda at ng kabuuan ng biodiversity at ang epekto nito ay mararamdaman ng mahabang panahon.
Samantala sinabi naman ni Edicio Dela Torre , Pangulo ng Philippine Rural Reconstruction Movement na tuloy ang kanilang ikatlong civilian mission sa West Philippine Sea.
Maglulunsad ng “Concert at Sea for Peace’ ang grupo kahit tatlong kilometro ang layo mula sa El Nido Island sa Palawan .
Layon nito na ipaabot ang mensahe sa China na sa atin ang West Philippine Sea. | ulat ni Rey Ferrer