Pormal nang umupo bilang Presidente ng 78th World Health Assembly (WHA) si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa sa Palaye de Nasyon (Palais des Nations) sa Geneva, Switzerland.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na mamumuno ang Pilipinas sa WHA na siyang highest decision-making body sa global health at kinabibilangan ng 194 na mga bansa.
Nagpasalamat si Sec. Ted sa mga miyembro ng World Health Organization (WHO) Western Pacific Region para sa nominasyon ng Pilipinas at sa lahat ng WHO Member States para sa kanilang suporta at matibay na ugnayan.
Nagpasalamat din si Sec. Ted kay Dr. Edwin Dikoloti ang Health Minister ng Republic of Botswana na siyang namuno sa nakaraang Assembly at si Dr. Youngmee Jee ng Republic of Korea, sa pagbubukas ng naturang sesyon.
Sa pagsisimula ng WHA, iba’t ibang mga usaping pangkalusugan ang tatalakayin kasabay ng pagbabalangkas ng mga polisiya para patatagin ang ugnayan ng mga bansa sa buong mundo at makamit ang #HealthForAll. | ulat ni Lorenz Tanjoco