Iginiit ng Korte Suprema na hindi dapat kaagad sibakin ang mga kawani ng gobyerno na nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga, dahil itinuturing itong isang sakit at hindi krimen.
Paliwanag ng SC, ang drug use at addiction ay nangangailangan ng gamutan, at dapat lamang patawan ng dismissal ang isang empleyado kung tumanggi itong makipagtulungan o bumagsak sa isang intervention program.
Ginawa ng Korte Suprema ang pahayag matapos nitong pagtibayin ang desisyon ng Court of Appeals na guilty ng grave misconduct ang isang City Office Engineer ng Muntinlupa City matapos magpositibo sa droga nang dalawang beses.
Gayunman, sinuspinde ng SC ang penalty ng dismissal at ipinag-utos ang muling pagsalang sa drug test.
Kapag nagnegatibo, hindi na kakailanganin ang treatment at maaari nang i-reassess ng Civil Service Commission ang pagbabalik ng kaniyang benepisyo at eligibility sa public service.
Ngunit kung magpositibo pa rin, kailangang sumailalim ang empleyado sa drug dependency examination, isailalim sa intervention program, at sumailalim sa medical evaluation bago muling matukoy kung siya ay “fit to work.” | ulat ni DK Zarate