Binigyang-diin ni Senate Spokesperson, Atty. Arnel Bañas na walang dahilan sa ngayon ang Senado para hindi ituloy ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ng tagapagsalita ng Senado ang pahayag sa gitna ng statement ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bukas siyang makipag-ayos sa mga Duterte.
Ipinaliwanag ni Bañas na nang makarating sa Senado ang impeachment complaint ay obligado ang mga senador na dinggin ito alinsunod na rin sa kanilang mandanto.
Sa June 2 nakatakdang basahin ng prosection team ang articles of impeachment laban kay VP Sara sa sesyon ng Senado.
Kinabukasan nito, o sa June 3 ng alas-9 ng umaga ay magco-convene na ang Senado bilang isang impeachment court.
Dito na rin manunumpa ang mga senador bilang impeachment judges at saka sisimulan ang pagpapadala ng mga summon at iba pang mga kaugnay na kautusan sa magkabilang panig.
Kinumpirma naman ni Bañas na siyam na boto lang ng mga senator-judges ang kailangan para ma-acquit ang bise presidente. | ulat ni Nimfa Asuncion