Hinarang ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang isang ina na nagbenta umano sa kanyang anak bilang mail-order bride sa isang Chinese national.
Ayon sa ulat ng BI, nasabat ng kanilang Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang mag-inang kinilalang sina alias Annie, 42, at ang anak nitong si alias Mia, habang papunta sana sa China sakay ng Philippine Airlines noong Mayo 13.
Sa masusing inspeksyon, sinabi ni Mia na pupunta sila sa China upang makasama ang umano’y asawa niyang Chinese citizen, ngunit napag-alamang peke ang kanilang marriage certificate.
Nang tanungin, inamin ni Mia na hindi niya alam ang tungkol sa pagpapakasal at ang kanyang ina ang nag-asikaso ng lahat. Nakilala umano niya ang lalaki noong Marso 11, at matapos ang umano’y kasal, kung saan binigyan siya ng ₱5,000. Sinabi umano ng kanyang ina na makatutulong ang kasal para sa kanilang pangangailangan.
Sa ngayon, isinailalim na sa pangangalaga ng IACAT ang mag-ina para sa mas malalim na imbestigasyon at kaukulang tulong.
Ayon naman kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, magpapatuloy ang kanilang hakbang upang maprotektahan ang mga kababaihang Pilipino laban sa human trafficking, kasabay ng mas pinaigting na seguridad sa mga paliparan. Patuloy rin ang koordinasyon ng ahensya sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang masigurong mabibigyan ng hustisya ang mga biktima at mapapanagot ang mga dapat managot. | ulat ni EJ Lazaro