Kinatigan ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) ang inihaing writ of preliminary injunction ng Taguig City Local Government Unit (LGU).
Ito’y para mapanatili ang kapangyarihan ng pamahalaang lungsod sa paggamit ng mga pasilidad sa EMBO Barangays kasunod ng pinalawig na Temporary Restraining Order (TRO), pabor sa Taguig.
Sa pitong (7) pahinang ruling ng Korte kahapon, May 22, pinagbawalan nito ang Makati Local Government Unit gayundin ang mga kinatawan nito na ma-access ang mga pampublikong gusali at pasilidad sa mga EMBO Barangay.
Kabilang na rito ang health centers, covered courts, daycare centers at iba pang pangunahing pasilidad kung saan, solo itong pamamahalaan at pangangasiwaan ng Taguig City para makapaghatid ng serbisyo sa mga residente nito.
Nagpasalamat naman si Taguig City Mayor Lani Cayetano sa naging desisyon ng korte, hudyat ng tuloy-tuloy na serbisyo ng LGU para sa mga mamamayan ng EMBO. | ulat ni Jaymark Dagala