Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siguruhin ang abot-kayang bigas para sa mga Pilipino, inanunsiyo ng Department of Agriculture (DA) na handa na ang isang milyong sako ng milled rice upang ibaba sa mga Kadiwa store.
“Ang total natin, we have one million sacks available na milled rice na iyon, merely milled rice.” –Laurel
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, na ang shipment mula Mindoro ay nakarating na sa Cebu. Habang ang Bohol, inaasahan na ngayong linggo rin matatanggap ang kanilang supply.
Ayon sa kalihim, nasa 37 local government units na sa Cebu ang nakikibahagi sa pagbi-benta ng P20 per kilong bigas, kung saan nasa 12,000 sako na ang nabenta ng gobyerno.
Ang Kadiwa stores naman na nagsimula na ng bentahan ng mas murang bigas nasa 34 na, at target pang i-akyat sa 55 hanggang sa susunod na buwan.
Kaugnay nito, nilinaw rin ng opisyal na ang mga bigas na ibini-benta ay bahagi ng buffer stock ng National Food Authority (NFA) na binili sa pamamagitan ng General Appropriations Act (GAA).
Sa kasalukuyan, wala pa aniyang ibang additional na pondo ang ginagastos ng pamahalaan para sa logistic costs ng programa.
“Sa ngayon ang stocks natin ngayon ng palay is noong nagsasabi ako 300,000 tons na, ngayon nasa 400 plus thousand na… So, lahat iyan is iyong NFA na bigas na binili galing sa GAA namin… Iyan pa rin iyong bigas na binibenta natin so technically except for the logistics of it wala pang nilalabas na dagdag pera ang gobyerno natin while selling this rice,” ani Laurel.
Target ng Marcos Administration na ma-serbisyuhan ang nasa 15 milyong pamilya o 60 milyong mga Pilipino, hanggang sa taong 2028. | ulat ni Racquel Bayan