Tuluyan nang binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang mga lisensya ng 18 driver at konduktor ng dalawang malalaking bus company matapos magpositibo sa random at surprise drug test.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, alinsunod sa umiiral na batas, mahigpit na ipinagbabawal ang pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng iligal na droga.
Kabilang sa natanggalan ng lisensya ang 10 driver mula sa Victory Liner habang anim na lisensya ng mga konduktor sa parehong kumpanya ng bus ang binawi rin.
Binawi rin ang lisensya ng dalawang konduktor ng Solid North Transport, Inc. dahil nagpositibo sa drug test noong May 5.
Bukod sa pagbawi ng mga lisensya, diskuwalipikado na rin silang mabigyan ng parehong driver’s license at conductor’s license.
Noong Semana Santa lamang, 98 lisensya ng mga bus driver ang binawi dahil sa iba’t ibang paglabag habang mahigit 1,100 ang nabigyan ng Show Cause Orders (SCOs). | ulat ni Rey Ferrer