Sa tulong ng Anti-Red Tape Authority (ARTA), inilunsad ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) ang bagong digital platform.
Nilalayon nito na mapabuti pa ang serbisyo publiko at mabawasan ang mga proseso ng burukrasya.
Ayon kay LTO-NCR Regional Director Roque Verzosa III, magagamit na ngayon sa mga opisina ng LTO sa buong Metro Manila ang LTO-NCR Information Kiosk.
Naka-link ito sa official website ng LTO-NCR, na nag-aalok sa mga kliyente ng mas madaling access sa mga pangunahing serbisyo tulad ng plate at driver’s license inquiries.
Nagbibigay din ito ng access sa Citizen’s Charter ng ahensya, Filipino Driver’s Manual, at mga anunsiyo sa rehiyon.
Bilang pagsunod sa mga pamantayan ng ARTA, nagtatampok ang kiosk ng mga digital display ng information material upang isulong ang transparency at mahusay na paghahatid ng serbisyo.
Sabi pa ni Versoza, ang inisyatiba ay bahagi ng pagsisikap ng ahensya na gawing moderno ang mga serbisyo at ganap na makuntento ang mga kliyente. | ulat ni Jaymark Dagala