Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking may sapat na pondo ang pamahalaan para sa mas maraming serbisyong pampubliko para sa bawat Pilipino, nakalikom na ang Department of Finance (DOF) ng mahigit ₱76 bilyong dividendo mula sa mga government-owned or -controlled corporations (GOCCs) hanggang Mayo 15, 2025.
Ayon sa DOF, inaasahang aabot sa mahigit ₱100 bilyon ang halaga ng remittance bago matapos ang taon, na malalampasan ang kabuuang koleksyon noong 2024.
Ang mga dividendo mula sa GOCCs ay isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng non-tax revenue ng pambansang pamahalaan upang pondohan ang mga prayoridad na programa ni Pangulong Marcos Jr. nang hindi na kailangang magpataw ng bagong buwis sa mamamayan.
Pinasalamatan ni Finance Secretary Ralph Recto ang masisipag na GOCCs sa kanilang patuloy na suporta sa national government. Aniya, tumugon ang mga ito sa panawagan ng Pangulo para sa isang all-inclusive, whole-of-government approach sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng pamahalaan na magbibigay ng benepisyo sa bawat Pilipino.
Dagdag pa niya, ang mga non-tax revenue gaya ng GOCC dividends ay tumutulong upang suportahan ang expenditure program ng pamahalaan ngayong taon. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes