Humihiling ng pang unawa ang Malacañang kaugnay sa isasagawang rehabilitasyon ng San Juanico bridge, makaraang matukoy ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang posibleng pinsala sa ilang bahagi ng tulay.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro, na batid ng pamahalaan ang inaasahang epekto sa mga komunidad at ekonomiya ng bansa ng gagawing rehabilitasyon sa tulay, gayunpaman mas mainam aniyang isaalang-alang ang pang matagalang benepisyo nito.
Mas nais aniya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na masiguro ang kaligtasan ng publiko na dumadaan sa tulay.
“Ito lamang po ang una nating ipaparating, ito ay ayon sa ating Pangulo: ang pagre-rehabilitate po masasabi natin magkakaroon ng epekto sa taongbayan, sa concerned citizens na nandoon sa lugar. Pero tingnan po natin ito sa mas positibong aspeto dahil ito po ay rehabilitation,” ani Castro.
Sa kasalukuyan, itinaas na sa blue alert ang sitwasyon sa lugar.
“Mas nanaisin po talaga na maiwasan kung anuman ang maaaring idulot na disgrasya kung ito man ay hindi maayos nang maagap.” —Castro.
Ibig sabihin, nakaalerto na ang government agencies upang tugunan at respondehan ang pangangailangan ng mga maaapektuhang lugar.
May binuo na rin aniyang multi-task force at maglulunsad ng public assistance desk sa parehong dulo ng tulay, at magdamagang pagpapatrolya para sa safety monitoring.
Maglalagay rin aniya ng weighing station doon, upang masiguro na ang mga angkop at tamang bigat na sasakyan o kargamento lamang ang papayagang dumaan sa tulay.
“Ang ipinangako ng DPWH magkakaroon po ng 13 shuttle buses, 24/7 service para doon sa mga tao na maapektuhan para po magamit po ang lugar, dahil light vehicles lamang po ang maaring gumamit dito. So, pansamantala ayon po, at mayroon pong pakikipag-ugnayan ang DPWH sa LGUs at PPA para how to ferry the buses of passengers na maaring maapektuhan.” —Castro | ulat ni Racquel Bayan