Hinikayat ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga tumakas na Filipino domestic workers sa Saudi Arabia na samantalahin ang anim na buwang palugit na ibinigay ng gobyerno ng Saudi.
Ito ay upang maayos ang kanilang legal status at maiwasan ang mga parusa.
Nanawagan si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa mga kababayan natin na ayusin ang kanilang status mula May 11 hanggang November 10, 2025.
Ayon kay Secretary Cacdac, dapat samantalahin ng mga domestic worker na may irregular status ang pagkakataong ito at humingi ng tulong sa mga Migrant Workers Office sa Riyadh, Jeddah, at Al Khobar.
Paliwanag ng DMW, ang mga runaway domestic workers ay yung mga napaulat na umalis sa kanilang amo nang walang pahintulot.
Sa datos ng DMW, mahigit 100 ang Filipino domestic workers sa Riyadh at Jeddah ang sinasabing tumakas sa kanilang mga amo, habang 50 naman sa Al Khobar. | ulat ni Diane Lear