Inaresto ng mga tauhan ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) ang isang pasahero sa NAIA Terminal 2, matapos ireklamo ng supervisor ng isang airline.
Sinasabing nangyari ang insidente sa Boarding Gate 7 ng terminal, nang hingan ng supervisor ang pasahero ng valid ID bilang bahagi ng standard security protocols. Sa halip na makipagtulungan, nagpakita ng agresibong kilos ang pasahero, tinapik ang braso ng supervisor, at nagsalita ng hindi angkop sa publiko.
Agad namang nakipag-ugnayan ang airline security sa NAIA Police Station 2 (NPS 2), at mabilis na rumesponde ang mga awtoridad upang imbestigahan ang insidente. Matapos ang hindi matagumpay na mediation, nagdesisyon ang complainant na ituloy ang reklamo. Dahil dito, inaresto ang pasahero at ipinaalam ang kanyang karapatan alinsunod sa protocol, na nakuhanan din ng video gamit ang Alternative Recording Device (ARD).
Sumailalim sa inquest proceedings ang suspek para sa kasong Unjust Vexation at kasalukuyang nasa kustodiya ng NAIA Police Station 2.
Ayon kay PBGen Christopher M. Abecia, Director ng PNP AVSEGROUP, magpapatuloy umano silang kikilos nang mabilis at maagap laban sa anumang uri ng harassment o maling pag-uugali sa paliparan upang mapanatili ang kaayusan at respeto sa mga pasilidad nito. | ulat ni EJ Lazaro
📸 PNP AVSEGROUP