Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang groundbreaking ceremony ng itatayong Sky Garden Project na isang major infrastructure initiative na inaasahang magpapalago sa turismo, sustainability, at ekonomiya ng Alaminos City, Pangasinan.
Ang proyekto ay may kabuuang pondo na P249,879,417.80 mula sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).
Kapag ito ay nakumpleto, tampok sa tourist attraction na ito ang isang elevated gardens na may iba’t ibang uri at specie ng halaman.
Mayroon din itong walkways, seating area, at interactive zones, kasama ang ilang amenities tulad ng parking areas, commercial center, at multi-purpose hall para sa mga event.
Maari ring ma-enjoy ng mga bibisita sa lugar ang tanawin ng Hundred Island, beach area, at ang kalapit nitong walong ektaryang Mangrove Eco-Park.
Inaasahan din na makakapag-generate ito ng trabaho bago at pagkatapos ng konstruksyon at makakatulong sa pagpapalago sa ekonomiya ng lungsod.
Tinatayang 30 local concessionaires ang inaasahang matutulungan para sa panibagong oportunidad ng pagnenegosyo sa loob at labas ng Sky Garden.
Ang proyektong ito ay suporta sa nais ng lungsod ng Alaminos na maging pangunahin itong destinasyon para sa eco-friendly at faith-based tourism dahil matatagpuan din sa lungsod ang Pilgrimage Islands sa Hundred Islands National Park.
Target namang matapos ang proyekto sa Marso 16, 2026.
Ang presensya naman ni Pangulong Marcos sa groundbreaking na ito ay pagpapakita ng suporta ng national government sa local projects tulad nito na nagsusulong ng environmental sustainability, turismo, at ekonomiya. | ulat ni Sarah Cayabyab | RP1 Dagupan