Taxi driver na itinakbo ang sukli ng pasahero, inirekomenda sa LTO na suspendihin ang lisensya

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinaboran ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang reklamo ng isang pasahero laban sa taxi driver na itinakbo ang kanyang sukli.

Ito’y matapos ang isinagawang pagdinig noong May 16 kung saan tanging operator lang ang nakadalo.

Batay sa salaysay ng operator, tumakas na ang driver at hanggang ngayon ay hindi na muling nagpakita sa kanya. Dahil dito, agad niya itong pinadalhan ng Notice of Termination at posible pang sampahan ng reklamo.

Sa inilabas na resolusyon ng LTFRB, nakitang may malinaw na may batayan ang reklamo ng pasaherong si Angelie De Rueda. Bigo ring makapagbigay ng konkretong ebidensya ang operator para pabulaanan ang reklamo at itinuro lamang ang driver na wala na sa kanyang pamamahala.

Dahil dito, ipinag-utos ng LTFRB na magmulta ng ₱5,000 ang operator sa ‘contracting of passengers.’

Inirekomenda rin ng LTFRB sa Land Transportation Office (LTO) na suspendihin ang lisensya ng driver na si Rolando De Vera.

Ayon pa kay LTFRB Spokesperson Ariel Inton, tutulungan pa nila ang pasahero na masampahan ng criminal case ang driver dahil sa pagnanakaw ng sukli.

Kaugnay nito, hinikayat ni LTFRB Spokesperson Ariel Inton ang mga pasahero na isumbong ang mga mapang-abusong PUV driver.

“Mabilis po na dinesisyunan ng LTFRB ang reklamo alinsunod sa direktiba ni Chairperson Teofilo Guadiz na protektahan ang mga pasahero laban sa abusadong mga driver,” ani Inton. | ulat ni Merry Ann Bastasa