Arestado ang apat na lalaki matapos tangkain ang panghoholdap sa isang negosyante sa kahabaan ng Pacheco Street, malapit sa Osmeña Street, Barangay 67, Tondo, Manila nitong Huwebes (June 19) bandang 3:30 ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Mark Anthony Camba, 43-taong gulang, isang negosyante mula Zambales.
Ayon sa ulat, habang sakay ng kaniyang sasakyan, hinarang siya ng apat na suspek kung saan agad na hinawakan ng isa ang bintana ng sasakyan, habang tinutukan naman siya ng patalim ng isa pa sabay pinagbantaan na papatayin ito kung hindi ibibigay ang cellphone at bag.
Habang ang ikatlong suspek ay tangkang binubuksan ang likurang bahagi ng kotse, ang ikaapat naman ay humarang sa unahan habang may hawak na bato.
Sa kabutihang-palad, nasaksihan ito ng mga residente at agad na humingi ng saklolo sa mga tanod ng barangay.
Nang maramdaman ng mga suspek ang presensya ng mga tanod, mabilis silang nagsitakas.
Agad na tumawag sa 911 ang biktima, kaya’t agad na rumieponde ang mga tauhan ng Don Bosco Area of Responsibility.
Sa isinagawang follow-up operation, naaresto sina Rhandi Alcaide, Luke Manlutac, at Kester Valdez.
Sumuko naman si Franco Magbanua kinagabihan sa Barangay 117 at itinurn-over ng kanyang kapatid at kagawad sa pulisya.
Kinilala ng biktima ang mga suspek at positibong itinuro bilang mga salarin.
Sila ngayon ay sasampahan ng kasong Attempted Robbery sa ilalim ng Article 293 ng Revised Penal Code. | ulat ni Lorenz Tanjoco