Hinatulan ng Las Piñas Metropolitan Trial Court ang isang fixer na makulong ng isang taon at magbayad ng multang P500,000.
Ayon sa Anti-Red Tape Authority (ARTA), napatunayang nagkasala si Ginang Lilia Lumancas dahil sa paglabag sa R.A. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Si Lumancas ay hinuli ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa ulat ng license fixing sa Land Transportation Office (LTO) sa Las Piñas City.
Sa isinagawang surveillance operation ng ARTA noong Oktubre 2021, nakunan ng video ang ilegal na transaksyon ni Lumancas.
Hindi umano siya otorisadong magproseso ng professional driver’s license ngunit ginawa niya ito kapalit ng kabayarang P4,000.
Itinuturing ng ARTA na isang tagumpay sa kanilang misyon ang desisyon ng korte na alisin ang katiwalian sa mga government transactions. | ulat ni Rey Ferrer