Hindi pa dapat ikabahala ang banta ng Iran na isara ang Strait of Hormuz, ayon kay Ways amd Means Committee Chair Joey Salceda.
Ayon sa economist solon, bagamat may kakayahan ang Iran na mabalam ang daloy ng mga barko at langis, ang tuluyang pagsasara ng Strait ay makakasama rin sa sarili nitong ekonomiya.
Sa kasalukuyan, wala pa naman aniyang basbas ang planong blockade mula sa Supreme National Security Council o mismo sa Supreme Leader ng naturang bansa.
Para kay Salceda, maaaring isa lamang itong estratehiya o isang pampulitikang kilos na may layuning mag-udyok ng reaksyon pero iniiwasan pa rin ang tunay na epekto.
Muli naman nagpaalala ang mambabatas na isaalang-alang ang mga kaganapang ito sa pagbuo ng 2026 national budget.
Lalo na aniya pagdating sa fuel subsidy program. | ulat ni Kathleen Forbes