Inaresto ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Pakistani national sa Pagadian City, Zamboanga del Sur dahil sa iligal na pananatili nito sa bansa.
Kinilala ang dayuhan na si Sajjad Khan, 31 taong gulang, na nadakip noong Hunyo 16 sa Barangay Tiguma sa bisa ng mission order mula kay BI Commissioner Joel Anthony Viado. Ayon sa ahensya, blacklisted na si Khan sa Pilipinas mula pa noong 2016 at inamin nitong pumasok sa bansa sakay ng bangka gamit ang tinatawag na “backdoor” o iligal na daan papasok sa Pilipinas.
Isinagawa ang operasyon ng BI Intelligence Division katuwang ang Armed Forces of the Philippines at 53rd Infantry Battalion, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang pagpapatupad ng batas imigrasyon.
Nahaharap si Khan sa kasong paglabag sa Philippine Immigration Act dahil sa iligal na pagpasok at kawalan ng kaukulang dokumento. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig habang hinihintay ang susunod na legal na hakbang para rito. | ulat ni EJ Lazaro