Tiniyak ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang suporta nito para mapadali ang pagnenegosyo sa bansa at maparami ang local and foreign investments.
Ito ay sa pamamagitan ng aktibong pakikibahagi sa Investment Facilitation Network (INFA-Net), bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing pangunahing destinasyon ng pamumuhunan ang Pilipinas.
Ang INFA-Net ay binubuo ng 36 na ahensya ng pamahalaan, itinatag sa ilalim ng isang Memorandum of Agreement at pinalakas sa pamamagitan ng isang Joint Memorandum Circular (JMC), bilang pagsunod sa Executive Order No. 18, s. 2023.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., inatasan na nito ang lahat ng tanggapan ng BIR na bigyang-prayoridad ang local at foreign investors lalo na ang mga may kaugnayan sa strategic investment.
Batay sa JMC, tungkulin ng BIR na suportahan ang pagproseso ng mga investment sa pamamagitan ng epektibo at mabilis na taxpayer registration. | ulat ni Merry Ann Bastasa