Ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi kailanman bababa ang buying price ng National Food Authority (NFA), sa presyo na ikalulugi ng mga magsasaka.
Sa ikalawang bahagi ng second episode ng vlog ng Pangulo, binigyang-diin nito ang hirap at bigat ng trabaho ng mga magsasaka.
“Tumatanda ka na maaga dahil nagsasaka ka. We have to support them. So kahit ano pa ang mangyari sa preso ng bigas na ipinagbibili natin sa mga palengke, hindi natin ibababa ang buying price ng NFA. Never bababa yan. Sa kadiwa ng Pangulo, available ang P20 na bigas.” -Pangulong Marcos.
Batid rin aniya ng gobyerno na ang pinakakinatatakutan ng mga magsasaka ay ang masyadong mababang presyo ng bigas.
“Ang kinakatakutan ng iba, pag masyado na mababa ang preso ng bigas, paano naman ang mga magsasaka natin? … Napakahirap maging magsasaka. Ang hirap na buhay yan. Ang bigat ang trabaho niyan.” -Pangulong Marcos.
Pagbibigay-diin ng Pangulo, mananatili ang buong suporta ng Marcos Administration sa mga magsasaka, sa pamamagitan ng pagtugon sa pangangailangan ng mga ito.
Kahit aniya ano ang maging galaw ng presyo ng bigas sa merkado, hindi bababa sa paluging presyo ang buying price ng NFA sa ani ng mga magsasaka.
Sabi pa ng Pangulo, kaakibat nito ang patuloy na pagpapaabot ng mga makinarya, ayuda, trainings, at iba pang tulong para sa pagpapagaan ng trabaho ng mga magsasaka. | ulat ni Racquel Bayan