Posibleng ipagpaliban muna ng Department of Agriculture (DA) ang planong pagbaba ng maximum suggested retail price (MSRP) sa imported na bigas na ipatutupad sana sa Hulyo 1, 2025.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ikinokonsidera nitong i-hold muna ang adjustment sa MSRP dahil sa epekto ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran at Israel.
“Yung sa rice na MSRP natin na bababa sana by July 1, mukhang i-ho-hold ko muna in abeyance,” ani Tiu Laurel. “Because of the situation—magulo eh. We don’t want to have any market shock.”
Sa susunod na linggo aniya posibleng ilabas ang desisyon sa MSRP adjustment, pero malaki ang tyansang iurong ito ng isa o dalawang buwan habang mino-monitor pa ang sitwasyon.
Samantala, tiniyak naman ng kalihim na tuloy pa rin ang plano ng DA na magtakda ng MSRP para sa frozen pork, pagsapit ng Agosto. | ulat ni Merry Ann Bastasa