Nais gawing modelo ng Department of Education (DepEd) ang Taguig Learners Certificate (TLC) Scholarship Program na ipinatutupad sa lungsod.
Ito ang inihayag ni Education Secretary Sonny Angara, makaraang inspeksyunin nito ang Tenement Elementary School kasabay ng pagbubukas ng klase, nitong Lunes.
Ayon sa kalihim, ito aniya ang mabisang solusyon sa mga hamong kinahaharap ng sektor ng edukasyon lalo na sa aspeto ng populasyon.
Sinabi ni Angara, na pinag-aaralan nila ang sistema para ipakalat ito sa iba pang mga lugar sa bansa gaya ng Cavite at Laguna kung saan, mataas ang populasyon ng mga estudyante.
Ang TLC Scholarship Program ay inisyatiba ni Mayor Lani Cayetano, upang mahikayat ang maraming kabataan sa kanilang lugar na magtapos ng pag-aaral.
Sa ilalim ng programa, bukod sa libreng matrikula ay nagbibigay pa ang pamahalaang lungsod ng P10,000 allowance sa bawat mag-aaral, para pantustos sa kanilang pangangailangan sa pag-aaral. | ulat ni Jaymark Dagala