Inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na hindi hazing at walang foul play sa pagkamatay ng De La Salle University student na natagpuang patay sa Naic, Cavite.
Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni Remulla na batay sa inisyal na imbestigasyon at CCTV footage, mag-isa lamang ang estudyante sa kaniyang buong biyahe hanggang makarating sa isang resort at lumabas papunta sa isang property kung saan nakuha ang kaniyang labi.
Ayon kay Remulla, natagpuan sa tabi ng bangkay ang isang bote ng liquid Sosa, isang bote ng milk tea, at ang bag ng biktima na may kumpletong personal na gamit, kabilang ang cellphone at pera.
Dagdag pa ng kalihim wala ring nakitang gunshot wounds at ebidensya na kinaladkad ang estudyante.
Lumalabas aniya sa inisyal na imbestigasyon na suicide ang nangyari sa estudyante.
Hindi naman na nagbigay ng iba pang pribadong detalye ang kalihim at humingi rin ng privacy ang pamilya ng nasawing estuyante. | ulat ni Diane Lear