Hinikayat ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mahigit 5,000 nagtapos ng Capiz State University (CapSU) na maging kaisa sa pagbabago ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa CapSU’s 21st commencement exercises sa Roxas City, Capiz, inihayag nito na ang kinabukasan ng Pilipinas ay nakabatay sa mga graduates na mananatili sa bansa at magsisilbi sa taumbayan ng may integridad.
Pinuri ni Speaker ang katatagan ng mga mag-aaral sa harap ng mga pagsubok—mula sa bagyo, kahirapan, hanggang sa hirap ng online classes sa gitna ng pandemya.
Binigyang-pugay din ni Romualdez ang mga magulang, guro, at komunidad na naging katuwang ng mga mag-aaral sa kanilang paglalakbay.
Pinuri rin niya ang CapSU bilang huwaran ng pagbabago sa Western Visayas, na may siyam na campus at mahigit 1,000 Latin honor graduates.
Nanawagan din ang House Leader sa mga nagtapos na yakapin ang kanilang papel sa pagbubuo ng kinabukasan ng bansa. | ulat ni Melany V. Reyes