Inaresto ng awtoridad ang isang 35-anyos na babae sa Iligan City matapos maaktuhang ibinebenta ang maseselang larawan ng sarili niyang mga anak sa mga banyagang kliyente online.
Nasagip ang tatlong (3) menor de edad sa ikinasang operasyon noong Biyernes, Hunyo 20, sa Brgy. Tambacan, sa bisa ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD).
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO)-10, kinilala ang suspek sa mga alyas na “Annierose Serida” at “Einna Esor Adires Serajap,” isang walang trabahong residente ng naturang barangay.
Batay sa imbestigasyon, ang suspek ay ina ng 3 biktima na kinabibilangan ng dalawang (2) lalaki at isang (1) babae na umano’y isinangkot niya sa pagbebenta ng maseselang larawan sa mga banyagang kliyente kapalit ng pera.
Agad na dinala ang mga bata sa pangangalaga ng Iligan City Social Welfare and Development (CSWD) para sa assessment at psychosocial intervention.
Ayon kay PRO-10 Director PBGen. Rolindo Suguilon, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng matibay na paninindigan ng kapulisan sa Northern Mindanao na protektahan ang kabataan mula sa mga kaso ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC).
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at isinasailalim sa dokumentasyon at kaukulang proseso para sa pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Anti-OSAEC at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act. | ulat ni Sharif Timhar| RP1 Iligan
📷: RCADD PRO 10 / Task Force OSAEC Iligan City