Matapang na sinagot ng House of Representatives ang puna ni Senator Imee Marcos kaugnay ng umano’y kakulangan ng pondo para sa rehabilitasyon ng San Juanico Bridge.
Sa isang press conference, mariing pinabulaanan ni House spokesperson Atty. Princess Abante ang pahayag ni Sen. Marcos na tila “pintura at konting rehabilitation” lamang ang kayang pondohan ng halagang inilaan sa tulay mula 2018 hanggang 2025.
Aniya, base sa records ng Department of Public Works and Highways, simula pa noong 2018—tuluy-tuloy ang naging pondong inilaan para sa maintenance at rehabilitasyon ng tulay, maski hindi pa speaker noon si Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa tala ng DPWH, umabot na sa ₱399.1 milyon ang kabuuang pondong inilaan ng Kongreso para sa San Juanico Bridge sa loob ng limang taon.
Dagdag pa niya, bilang isang taga-Tacloban si Speaker Romualdez at kinatawan ng rehiyon, bahagi talaga ng kanyang adbokasiya ang pagtiyak na may akmang pondo para sa mga programa at proyekto para sa kanyang nasasakupan.
Samantala, kinuwestyon ni Abante ang naging ambag ng senadora sa pagpapabuti ng tulay na nag-uugnay sa Leyte at Samar, kasunod ng matindi nitong pahayag sa San Juanico Bridge. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes