Pinalutang ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol ang posibilidad na maghain ang kampo ni Vice President Sara Duterte ng motion for dismissal sa kinakaharap nitong impeachment case.
Pinaliwanag ni Tongol na kung babasahin ang aksyon ng defense panel, ay ginamitan nila ng katagang “ad cautelam” ang inihain nilang notice of appearance o ‘yung listahan ng mga abogadong magdedepensa sa Bise Presidente.
Ibig sabihin, aniya, nito ay may pag-iingat pa rin ang kampo ng depensa sa pagtugon nila sa korte.
Nangangahulugan rin, aniya, itong hindi pa nila kinikilala ang Senate Impeachment Court dahil may nakabinbin pa silang petisyon sa Korte Suprema na kinuwestiyon ang hurisdiksyon ng Senate Impeachment Court.
Kaya naman inaasahang susunod na hakbang ng depensa ang paghahain ng motion to dismiss.
Kapag ganito, aniya, ang nangyari ay obligado namang sumagot at kontrahin ng prosekusyon ang pagpapabasura sa kaso. | ulat ni Nimfa Asuncion