Pinagtibay ng Korte Suprema ang petisyon laban kay Pax Ali Mangudadatu na kanselahin ang kanyang Certificate of Candidacy (COC) kaugnay ng kanyang pagtakbo bilang gobernador ng Sultan Kudarat.
Sa naunang resolusyon ng Commission on Elections (COMELEC) First Division na may petsang Enero 18, 2022, kinatigan ang petisyon para kanselahin ang COC ni Mangudadatu. Tinanggihan din ng COMELEC en banc ang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Pax Mangudadatu.
Noong Hunyo 19, naglabas ng pasiya ang Korte Suprema na kumakatig sa resolusyon ng COMELEC. Pinaboran nito ang petisyon ni Sharifa Akeel‑Mangudadatu na nagpapatibay sa kanselasyon ng kandidatura ni Mangudadatu.
Ang petisyon ni Sharifa ay nakabatay sa umano’y false material representation ni Pax Mangudadatu, kung saan idineklara niyang siya ay naninirahan sa Lutayan, Sultan Kudarat nang higit sa isang taon bago ang halalan—bagamat sa katotohanan, siya ay nanunungkulan pa bilang alkalde ng Datu Abdullah Sangki, Maguindanao sa panahong iyon.
Kasunod ng desisyon ng Korte Suprema, ipinag-utos na si Pax Mangudadatu ay dapat nang huminto sa pagganap bilang gobernador ng Sultan Kudarat. Inatasan na rin siyang isalin sa bise gobernador ang mga tungkulin ng gobernador, na manunungkulan sa natitirang termino hanggang Hunyo 30, 2025.
Samantala, balak ng kampo ni Sharifa Akeel-Mangudadatu na magsumite ng motion for reconsideration kaugnay sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa paglipat ng kapangyarihan sa bise gobernador. Giit ni Sharifa, siya ang dapat maluklok sa puwesto bilang gobernador, dahil siya ang pangalawa sa may pinakamataas na boto noong 2022 elections, alinsunod sa tinatawag na second placer rule sa ilalim ng mga umiiral na batas sa halalan.