Nangako si Senador Risa Hontiveros na muli niyang ihahain sa 20th Congress ang panukalang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor o ang Legislated Wage Hike Bill.
Sinabi ni Hontiveros na prayoridad niyang maihain muli sa susunod na Kongreso ang naturang panukala matapos itong mabigong maaprubahan ng 19th Congress.
Aniya, dahil umabot na sa Advanced Page of Legislation ang Wage Hike Bill nitong 19th Congress, kung saan nakaabot ito sa pinto ng Bicam, ay inaasahan niyang mas mabilis na itong maisusulong sa 20th Congress.
Sa ngayon ay pinag-aaralan ng senador kung magkano ang dapat na isulong na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa.
Pagbabatayan aniya nila kung magkano ang dapat na living wage o ang sweldong sapat para sa mga pangunahing pang-araw-araw na pangangailangan ng isang manggagawa at ng pamilya nito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion