Magkakaloob ang Office of Civil Defense (OCD) ng libreng roll-on, roll-off (RoRo) trip sa rutang Tacloban-Samar simula Hunyo 18 para sa mga kargamentong may dalang mahahalaga at madaling masirang produkto. Ito ay bilang tugon sa limitasyon sa bigat ng sasakyan na maaaring dumaan sa San Juanico Bridge.
Ayon kay OCD Eastern Visayas Regional Director Lord Byron Torrecarion, layon ng hakbang na ito na matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga lalawigan ng Leyte at Samar.
“Magkakaroon tayo ng priority lane para sa mga essential at perishable products, ngunit kailangan munang tukuyin kung aling mga truck ang uunahin dahil limitado ang espasyo at oras ng operasyon sa pagitan ng Tacloban City at Amandayehan Port sa Basey, Samar,” ani Torrecarion sa panayam ng Philippine News Agency.
Kayang magsakay ng hanggang 30 trucks kada biyahe ang bawat RoRo vessel sa pagtawid ng San Juanico Strait, ngunit kasalukuyang may tig-iisang rampa lamang ang dalawang pantalan.
Kabilang sa mga prayoridad na produkto ang mga sariwa at frozen na pagkain, prutas at gulay, karne at manok, bigas, langis, at iba pang mahahalagang suplay, ayon sa Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, at Department of Energy.
Ang karaniwang singil sa pagtawid sa bagong ruta ay PHP3,000 kada truck, ngunit sasagutin ito ng OCD habang may pondo.
May anim na biyahe kada araw ang nakatakda sa ruta ng Tacloban-Amandayehan, na kayang magsakay ng 180 truck, malayo sa dating 1,400 truck kada araw na dumaraan sa San Juanico Bridge bago ang limitasyon.
“Kung kalahati sa mga truck ay dumaan sa Ormoc-Calbayog route, may 700 trucks pa ring naiiwan at nakapila sa Tacloban at Samar na naghihintay makasakay. Kailangan talaga nating magdagdag ng ruta at biyahe,” paliwanag ni Torrecarion.
Tatagal ng apat hanggang limang buwan ang libreng biyahe, at maaaring pahabain kung may sapat pang pondo.
Ang rutang Amandayehan-Tacloban ay isang bagong daanan na nagpapabilis ng biyahe sa 15 hanggang 20 minuto, malayo sa 13 oras na biyahe sa Calbayog-Ormoc route. Prayoridad ng mga barko ang mga truck na may delikado, mahalaga, at madaling masirang karga, batay sa first-come, first-served basis.
Naglaan ang Philippine Ports Authority ng PHP400 milyon ngayong taon para sa modernisasyon ng Amandayehan Port — kabilang ang PHP200 milyon para sa pagpapalawak ng pantalan, PHP100 milyon sa dredging, at PHP100 milyon para sa navigational buoys.
Sa oras na makumpleto ang pagpapahusay, posible na itong mag-operate ng 24 oras at makapagdagdag ng anim pang biyahe kada araw. | ulat ni Penelope Pomida| RP1 Borongan