Inilagay na sa alarma ng Land Transportation Office (LTO) ang isang taxi dahil sa paniningil ng sobrang taas na pasahe ng driver.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, mula NAIA Terminal 1 hanggang NAIA Terminal 2, siningil ng taxi driver ang kanyang pasahero ng P5,500. Nangyari ito noong Hunyo 19 ng hapon.
Inatasan na ni Mendoza ang taxi driver na isuko ang kanyang driver’s license.
Pinadalhan na ng Show Cause Order ang may-ari at driver ng taxi upang lumutang sa LTO Central Office sa Hunyo 27, 2025, at pinagsusumite ng written explanation kaugnay sa nangyaring insidente.
Sinabi ni Mendoza na kasong administratibo ang kinakaharap ng driver dahil sa pagiging improper person to operate a motor vehicle, na paglabag sa Section 27 ng Republic Act No. 4136.
Ang kaso ay may katapat na kaparusahan na pagbawi sa driver’s license.
Nauna rito, may sinuspinde nang driver’s license at prangkisa ng taxi ang LTO sa isang nag-viral na taxi driver dahil sa paniningil ng P1,300 sa kanyang pasahero mula NAIA Terminal 1 hanggang Terminal 2. | via Rey Ferrer