Umabot sa 1,332 ang naitalang Free Wi-Fi for All (FW4A) sites o hotspots sa buong Bicol Region sa ilalim ng BroadBand ng Masa (BBM) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT).


Batay sa pinakahuling ulat ng ahensya, may kabuuang 570 lokasyon sa rehiyon ang nalagyan ng libreng internet, kabilang ang mga paaralan, parke, barangay at municipal halls, at iba pang pampublikong lugar.
Nanguna ang Camarines Sur na may 234 lokasyon at 610 FW4A sites, sinundan ng Sorsogon na may 118 lokasyon at 284 hotspots. Sumunod ang Albay (72 lokasyon, 166 sites), Masbate (73 lokasyon, 125 sites), Camarines Norte (61 lokasyon, 135 sites), at Catanduanes (12 lokasyon, 12 sites).
Layunin ng programa na isulong ang digital inclusion sa mga kanayunan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng libreng internet access para sa mga Pilipino, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Target ng DICT Bicol na mabigyan ng libreng internet access ang higit 1,500 sites sa rehiyon bago matapos ang taon. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP Albay