Umabot sa 3,616 na indibidwal ang naaresto ng Philippine National Police (PNP) mula January 12 hanggang June 11, kasabay ng pagpapatupad ng nationwide gun ban para sa 2025 midterm elections.
Batay sa ulat ng PNP, nakapagsagawa sila ng mahigit 998,000 na COMELEC checkpoints. May 1,879 ang nahuli sa police response operations, 556 sa anti-illegal drugs operations, 229 sa gun buy-busts, at 686 sa iba pang law enforcement activities. Isang suspek naman ang nahuli sa internal security operation sa Region 5.
Kabilang sa mga naaresto ay mga sibilyan, security guards, PNP personnel, sundalo, opisyal ng pamahalaan, at iba pa. Pinakamarami ang naaresto sa National Capital Region na sinundan ng Region 3, Region 7, at Region 4A.
Samantala, nasa 3,702 naman ang kabuuang bilang ng mga nakumpiskang armas sa iba’t ibang operasyon sa buong bansa. Karamihan dito ay revolver at pistol, rifle, shotgun, replica firearms, at ilang pampasabog.
Tiniyak ni PNP Chief PGen Nicolas Torre III na magpapatuloy ang operasyon ng PNP upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa buong bansa kahit tapos na ang eleksyon. | ulat ni Diane Lear