Nagtalaga ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan ng mga ‘basaan zone’ para sa ligtas na pagdiriwang ng Wattah Wattah Festival kasabay ng kapistahan ni San Juan Bautista bukas.
Iba’t ibang mga aktibidad ang isasagawa mula alas-5 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon sa Pinaglabanan Shrine Open Parking at kahabaan ng Pinaglabanan Road.
Ayon kay Mayor Francis Zamora, limitado lamang ang basaan mula alas-7 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon sa loob ng itinalagang ‘basaan zone’ sa Pinaglabanan Road sa pagitan ng N. Domingo at P. Guevarra.
Ipinagbabawal ang paggamit ng maruming tubig, water bomb, high-pressure hose, at ang basaan sa labas ng nasabing lugar.
Mahigpit ding ipatutupad ang liquor ban mula alas-12:00 ng hating gabi hanggang alas-2 ng hapon. Ang mga lalabag ay papatawan ng ₱5,000 multa at/o pagkakakulong ng hanggang 10 araw.
Itinuring naman na special non-working holiday ang June 24 sa San Juan sa bisa ng Proclamation No. 929 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. | ulat ni Diane Lear










