Nanawagan si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa mga Pilipino sa Israel na makipag-ugnayan at manatiling konektado sa Embahada ng Pilipinas doon.
Ito ay para maging updated sila sa advisories at magkaroon ng access sa anumang agarang tulong na kakailanganin nila sa gitna ng kaguluhan ngayon sa pagitan ng Iran at Israel.
Umapela naman si Estrada sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na maging flexible sa pagproseso ng mga dokumento ng mga magbabalik-bansang OFW sa pagkuha ng iba’t ibang tulong mula sa pamahalaan.
Binigyang-diin ng senador na may mga progama ang OWWA, DOLE, DTI, TESDA at maging ang mga lokal na pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng mga repatriated OFW na makabangon at makapagsimulang muli dito sa ating bansa.
Una nang tiniyak ng Malacañang na may nakalatag nang contingency plans para sa mga kababayan natin doon na nais nang magbalik Pilipinas, dagdag pa ang mga hakbang para tulungan ang mga injured, displaced o nawalan ng tahanan dahil sa kaguluhan. | ulat ni Nimfa Asuncion