Pinahayag ni Senate Committee on National Defense Chairman at Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na kailangan ang mga repormang pinapatupad ngayon ni PNP Chief General Nicolas Torre sa pambansang pulisya.
Ang pahayag na ito ni Estrada ay kasabay ng pagpapahayag ng suporta sa mga hakbang na pinapatupad ng PNP Chief.
Pinapakita lang, aniya, ni Torre na may malalim itong pag-unawa sa kinakailangang agarang reporma sa institusyon.
Ayon sa senador, mahalaga na may tiwala ang publiko sa kapulisan.
Kaya naman kung may nakikita, aniya, silang integridad at propesyonalismo sa mga pulis, ay mas magiging bukas ang mga tao na makipagtulungan sa paglaban sa krimen at sa pagpapanatili ng kaayusan.
Kabilang sa mga pinaborang aksyon ni Estrada ang polisiya sa mas pinabilis na police response, na matagal na, aniyang, dapat pinapatupad.
Aprubado rin ng senador ang pagpapatupad ng walong oras na shift sa trabaho ng mga pulis para, aniya, makatulong sa work-life balance ng mga ito at para epektibo nilang matugunan ang kanilang tungkulin.
Iginiit din ni Estrada na kailangang tiyakin na maaalagaan ang kapakanan ng mga rank-and-file na opisyal at masiguro na ang mga reporma ay may makatarungang pagtrato at may kaakibat na insentibo sa mga naglilingkod nang may integridad. | ulat ni Nimfa Asuncion